Katulad ng iba, gagamitin ko rin ang sarili kong lenggwahe.
Alam kong hindi mo na naririnig ang mga hiyawan ng mga fans mo sa dumaang mahigit isang dekada. Ilalabas ko lang 'to sa dibdib ko. Mabigat eh. Nakakamiss din kasi yung mga panahong masaya pa. Simula ng nawala ka sa amin, ni minsan, hindi na nawala ang sakit at puwang dito sa puso namin. Nakakayanan na lang naming magpatuloy kapag nageenjoy kami sa mga videos mo sa Youtube, yung mga concert mong punong-puno ng mga tao, home videos mong ang sakit sakit sa panga at sa tyan dahil sa kakatawa namin at sa mga music videos mong malulupet. Nasanay na lang kami na wala ka na. Pero hindi nawala yung sakit. Nasanay lang...
Naalala ko, bata pa lang kami ni kuya, elib na elib na kami sayo. Napilitan lang akong idolohin si Madonna kasi babae ako eh. Di mo magets no? Ako din eh. Basta may dalawang cassette tapes sa bahay, isang Michael Jackson at isang Madonna na binili ni papa sa Taiwan. Tig-isa kami ni kuya ng cassette tape at yung cassette mo ang napunta sa kanya kaya no choice ako, napunta sa akin yung cassette ni Madonna. 6 years old pa lang ako noon pero alam ko na kung sino ang paborito ko.
Kapag pinasasayaw si kuya ng buong pamilya, kundi Billie Jean ang isayaw eh yung Smooth Criminal. Di namin magawa yung moonwalk at 45-degree tilt hanggang ngayon kahit alam na namin ang sikreto mo kung paano mo yun ginagawa. Iiwan na lang namin sayo yun. Ikaw lang ang perpektong nakagawa nun eh.
Idol na idol ka ng tito ko, impersonator mo nga sya eh. Lumaki kaming kasama namin sya at halos araw araw namin siyang nakikitang kasama ng mga ka-dance group nya na gumagawa ng costume na gagamitin sa contest tapos ginagaya yung design ng costumes mo pati yung back up dancers mo habang nanonood ng recorded HIStory concert sa VHS na nirecord nila noong natelevise sa GMA7. Doon kita unang nakita. At doon ako unang beses na humanga: HIStory Live in Manila.
Halos hindi ko maialis ang paningin ko sa TV, yung intro mo pa lang, panlaban na. Yung parang nasa roller coaster? Nung moment na yun, first time kong makakita ng mga ganung effect. Grabe, 'di ko makakalimutang nakasakay ka nun sa... Ano ba yun? Jet? Spaceship? Basta yun na yun. Ang tagal bago ka lumabas sa mala capsule na yun pero entertain na entertain na ko nun sa pa mini fireworks sa likod. Ang tagal mong nakatayo pero hindi ako nainip. Nung nakita ko yung mala ginto mong costume, wala na, nakapako na ang atensyon ko sayo hanggang sa pinatugtog na yung intro ng "Scream" at lalong nagwala pa ng todo ang audience sa bawat galaw mo sa stage.
Di ko mabilang kung ilang beses ko napanood ang HIStory concert mo nung bata pa ako pero sure ako na after kong mag-iwan ng message, papanoorin ko ulit yung Live in Manila. Yes... After 20 years, papanoorin ko ulit!
Dati inayawan kita nung High School student na ako. Natuto na kasi akong manood ng balita na nagpa bleach ka raw, nang-abuso ka raw ng mga bata etc. etc... Naniwala naman ako kaya matagal akong hindi nakinig sa mga kanta mo.
Ilang taon din bago ko rin natutunan na hindi lahat ng balita sa TV ay totoo. Hanggang sa nalaman ko na kung sino at ano ka.
Ang tagal ko ng hindi nakarinig ng balitang maganda tungkol sayo. Huling kita ko sayo noon, nung buhat mo ang anak mo sa terrace. Naisip kong may saltik ka. Pero ngayon, naiintindihan na kita.
Nakagraduate na ako sa college, nagtrabaho, maraming natutunan at pinagdaanan, doon mas lumawak ang pang-unawa ko. At doon na ako nagsimulang mag research tungkol sayo noong naglalaro ako ng The Walking Dead Telltale Game. Sinearch ko sa Youtube ang gameplay ng laro, at kasama yung kanta mong "Thriller" sa suggestions. Hindi ko alam bakit nakasama yung kanta mo pero imbis na manood ako ng gameplay, yung music video mo ang ni-click ko.
Hindi ko na nga maipaliwanag yung pakiramdam ko habang nanonood ng music video mong "Thriller". Bigla ko na lang natanong sa sarili, "Bakit ko nagawang kalimutan 'tong napakahusay na taong 'to?" Naelib na naman ako. Kagaya ng pagka elib na naramdaman ko nung unang beses kitang napanood noong 6 years old ako. At pagkatapos no'n, doon na ko nagsimulang manood ng manood ng mga music video mo na dati ko lang napapanood sa TV na kailangan ko pang abangan noon sa MTV o sa Myx Philippines kahit hindi ako sigurado kung ipplay ba nila o hindi. Noon, umaasa lang ako kung makakapanood ba ako ng music videos mo, pero ngayon, kahit ilang beses, pwede na kitang mapanood, kahit anong videos sa kahit anong oras. Salamat, Youtube.
At that moment, naglabasan na sa mga video suggestions ang mga documentary, private home videos at old footages mo. I clicked "Searching for Neverland". Doon lang ako ulit umiyak ng todo sa isang hindi gaanong kilalang pelikula. Doon ko na naramdaman ang lungkot. Umiyak ako ng todo habang pinapanood ang credits.
Sabi ko sa loob loob ko, masyado na kong late magluksa. Nung namatay ka kasi, wala akong pakialam. Pero simula ng napanood ko ang pelikula ni Navi, para kang isang tao na naging bahagi pala ng buhay ko na hindi ko namalayang namaalam na. Ang dami kong nasayang na panahon. Huli na ng malaman ko ang mga napagdaanan mong hirap sa buhay: false allegations, trial by media, paparazzi, court hearing, at marami pang iba.
Gusto ko ng magsorry sa taong hindi ako nakilala. Wala ako sa grupo ng mga fans mo noong kailangan mo ng suporta. Nahihiya ako sa'yo. Nahihiya din ako sa sarili ko.
Sabihin na nilang timang ako. Pero maiintindihan nila kung nakilala ka nila. Hindi ka kagaya ng iba. Ikaw yung tipo ng tao na isang malaking kawalan sa mundo kapag nawala. At ngayong wala ka na, marami ng nagbago.
Naglabasan ang mga "artist" kuno. Masyadong overrated. Nakalimutan na nila kung sino ang totoong "artist". Parang ako lang, nakalimot din.
Ngayong naintindihan ko na, sinisikap kong maalala ka ulit nila: ng mga taong nakalimot sayo at ng mga tao ng bagong henerasyon na 'to. Marami man akong naging kaaway sa pagtatanggol sayo pero hindi ako nawawalan ng pag-asa na balang araw, hindi man 100% pero malilinis din ang pangalan mo. Pero para sa amin na nagmamahal sayo, noon pa man, hindi namin nakitang nadungisan ang pangalan mo.
Mike, Applehead, Mikey, MJ, Michael, sana nakilala mo ako noong pakiramdam mong wala kang kakampi. Sana nagkatagpo tayo noong naglalakad kang mag-isa sa labas at naghahanap ng kausap. Hanggang sa panaginip na lang..
Salamat sa makulay na childhood memories. Salamat sa lahat ng naiwan mo sa amin. Hing hindi ka na namin kakalimutan.
Salamat, Kaibigan.
- Amaranthine